Matulin talaga ang panahon, lumipas na mga taon
naglakbay na sa malayo, binaybay na mga alon
lumilipas na mga sandali laging nagmamadali
wala na sa husiyo ala-ala'y halo-halo
Masyado ba naging masaya at hindi naalala?
mga dakong naiwan mo na, mababalikan pa ba?
hanggang leeg ikaw ay lunod na pala...
sige langoy pabalik, simula sa umpisa.
Lagi lang syang naghihintay mula ng ikaw ay mawalay
nasaan ang iyong kasabikan, ipamalas at ikaway
nag-uumapaw bang saya muling iwagayway
Sa bawat pagbisita sa dakila mong Inay
Kumusta na Nanay ko, matagal bang wala ako?
nasaan ang kamay mo ako'y magmamano
sabik ako sa iyo, ako ba na-miss mo?
marami ko mga kwento isa-isahin ko sa iyo..
Napansin ko sa iyong balat, kulobot na lahat
ang buhok na itim, ngayon may uban na rin
dating mabilis na kilos mo, bumagal at nabago
kaytagal na pala mula ng umalis ako!
Matulin ang mga taon, lumipas na panahon
bawat isa tumatanda hindi na maglalaon
kung hindi mapapansin baka hindi na maamin
hindi maipadama damdaming kimkim.
Inay Mahal na mahal kita! yan ay mula sa puso ko
Mula ng palakihin mo ko, di' ko nasabi ito
Ngayon hangga't may pagkakataon hayaan mo naman ako
ipadama sa iyo na ikaw, Ikaw ang Nanay ko!
Muli mo pa ko yakapin, muli ko pang lasapin
balikan ko ang pagkamusmos sa masaya mong piling
ang lungkot at hilahil akin munang limutin
sa haplos mo Inay ako, ako ay uguyin.
Sa iyong pagtanda Nanay sasamahan kita
ako'y narito lang, aalagaan kita
pag-utusan nyo po ako, ano ang ibig nyo'
higit man sa kaya ko basta para sa iyo.
Hanggang sa aking pagtanda di kita lilimutin
kahit ika'y wala na, nandyan ka pa rin
ikaw pa rin ang tatawagin sa liwanag sa dilim
ikaw aking Inay na Nag-aruga sa akin.
Kumusta ka na Nanay?...
Wednesday, November 4, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment