Saturday, January 22, 2011

Saklay ni Bayani


lagpas na ang limang taon, dati pa rin ang kahapon at ngayon, siya at siya din ang iniikutan ni Bayani. Kung noon ay nakapaglilikot pa sya, ngayon nakasaklay at nandyan lang lagi sa kapitbahay, hintay lang ng hintay para malibang na nakikinood ng eat bulaga at mga drama sa telebisyon.

Masayahin talaga ang batang yan kahit na noon, lagi lang nasa laruan, laging madungis sa maghapong pagyayapak sa lupa, makikita ang saya at ngisi sa mukha niya hanggang sa makatulog sa gabi . Di man lang sumasayad sa musmos na kokote na iba na ang kalalakihan niyang buhay na hindi namalas sa tunay niyang mga magulang. Pag labas kasi niya sa planetang ito ay tuluyan siyang ipinamigay ng kanyang ermat sa kanyang pinsan, di nya ito kayang palamunin at itaguyod, at maka-gradweyt kung mag-aaral man. Itong si Bayani ay anak sa pagkadalaga sa isang banyaga na minsan lang naligaw sa Pampanga, tumakas matapos malaan na nabuntis nya ang kinakasamang pokpok. Sa tingin ko lang ay ano kaya ang buhay ni Bayani kung Normal ang paligid, yung bang tunay lahat mula kaibigan hanggang sa magulang.

Hindi rin naman biro sa parte ng “ima” -Nakikita ko naman pinaliliguan sya ng madalas sa isang linggo mga lagpas naman hanggang tatlong beses, meron din mga laruan at mahal din siya ng nakilala niyang Amang Hapon… yun nga lamang pagka lasing ito nakukuha siyang sipain at kawawa lamang siyang bumabaksak sa magaspang na semento…Maayos din ang mga damit niya na hindi rin mukhang bago pero malapit din sa maayos. Para na rin siyang panalo, liban lang sa paminsan-minsan niyang pag-iyak dahil sa pagsakit ng tiyan, lagnat o walang ibang laruan.

Ngayon ay araw araw na ang kanyang pagtangis dala marahil ng aksidenteng nangyari at ang natamong pinsala sa katawan na panghabangbuhay na. Pwede sigurong isisi ito sa kanyang ama-amahan na nagsama sa kanya at isakay siya sa likuran ng minamanehong motorsiklo habang lango sa alak na nakalalasing? O ang ina-inahan na dapat ay humadlang sa asawa para di na nangyari ang sakuna? Di na maibabalik pa ng kahit anong pagbibintang ang buhay ng kalahating katawan ni Bayani! Sa ngayon ay sira na rin ang kalahati ng kaniyang kinabukasan. Maaga syang nabiro ng kapabayaan ng kanyang tunay na ina. O mali ba ang mga taong kumupkop sa kanya, nagkamali ba sya sa pagpili sa kanila, kung nakapamili nga lamang sana sya!

Sampung taon na si Bayani sa kasalukuyan pero di pa rin nya maisulat ang sariling pangalan. Limang taon na rin niyang pag-aari ng saklay na katuwang niya sa mahabang lakbay araw-araw patungo sa kabilang bahay, ewan lang baka dalhin din niya ito hanggang sa kabilang buhay.

Alam ko na ang wakas ng kwento ng buhay ni Bayani, hindi sya ganon kahirap isulat at madali na lang hulaan kaya ititigil ko na ang kwento tutal palagay ko, alam na rin ninyo ang dulo nito…

Hiram na tagumpay

Hiram na tagumpay

Madaling sabihing Tagumpay! kung sa harap mismo natutupad ang mga pangyayari, sa likod nito ay di akalain na muntikan nang sumakabilang buhay ang may kagagawan. Simple lang at para bang walang nakakaalam na meron halaga ang kontrubusyon sa kapwa at sa mundong tinitirhan… Marami ang nakikinabang sa nagtagumpay na layunin kahit na ito ay hindi nalaan ng madla. Kahit pa sabihing walang kaugnayan ito sa mga gawaiin at kalakarin ng sinumang tumatamasa sa ginhawang ang pinagmulan ay ang pinaghirapan ng ilang nilalang na nasa tagong lupalop na di nasilayan ang sarap ng buhay ng manatili sa langit ng mayayaman. Ang hagdan na aapakan ay hindi nagsimula sa pangatlong baitang, tama na ito ay pinagpapaguran pero di batid na meron ding tinatapakan, may buhay man o wala ay di maitatanggi na minsan ba o maraming sandali na humihinga sa ibabaw at nasa ilalaim ang sa tingin ay mas mababa pa sa paa at talapakan. Ang tagumpay ay hindi pag-aari ng iisang anino lamang, ito ay nakamit dahil sa patak ng pawis na pumapatid sa uhaw ng kakulangan ng talentong nahihinog sa panahon kung kailan lamang kailangan. Utang sa dukha at manggagawa ang bawat masasayang araw ng magiginhawang kasalukuyan… hindi sumasapat ang awa na ililimos kung hindi lahat makikinabang! Namamana ang kapalaran pero sa kabila nito pwedeng labanan dahil ang sumpa ng kamalasan ay hindi naman araw-araw na nariyan. Mawala sana ang kamanhiran, magdalang habag sa kamadlaan. Imulat ang mata at marinig ang daing ng ng daigdig na may kapansanan. Tulungan ang mahihirap, hatian ng biyaya na dapat ay para sa lahat…

Tama lang na bayaran ang hiram!